13 Aug

A-trese na!

Umaga na. Wala raw pasok. Wala rin akong paki dahil sa dalang lamig ng ulan, niyayakap pa rin ako ng kama at kumot ko. Mahihirapan akong bumangon nito. A-trese na! Nakikidalamhati ang langit sa pinakamalungkot na a-trese sa loob ng higit tatlong taon. Mali, hindi pinakamalungkot, hindi na malungkot ngunit ramdam kong may kulang. Kaiba ang a-treseng ito. Naalala ko pa ang huling a-treseng magkasama tayo. Hindi ko iyon malilimutan, a-trese ng Hulyo 2016, iyon na pala ang huli, hindi ko akalain. Sa loob ng tatlong taong pag-aantay sa a-trese ng isang buwan, naging masaya ako. Mas kinasasabikan ko pa nga ito kaysa a-kinse kahit alam kong hindi magiging espesyal kung parehong walang sahod. Nakatutuwa. Naging espesyal ang bawat a-trese ko sa loob ng tatlumpu't siyam na buwan, ngunit natuldukan na. Hindi ko ito pinagsisisihan, naging masaya ako. Naging buo. Ginawa nating perpekto ang a-trese kahit hindi tayo perpekto, kahit hindi perpekto ang mundo. Marahil hanggang dito na lamang talaga. At hindi na kayang dugtungan pa, ang kwento nating sa una'y inakala kong kamatayan lang ang magtatapos. Tatanggapin ko na lamang na ngayon araw at sa mga a-treseng darating magiging karaniwan na lamang ang lahat, gaya ng ibang petsa sa isang buwan, at babalik na ulit ang takot ko sa Friday the 13th at pagkasabik sa a-kinse at a-trenta ng buwan.

Agosto 13, 2016

Comments
* The email will not be published on the website.
I BUILT MY SITE FOR FREE USING