Kanina, ginising ako ng sarili kong pag-iyak. Literal na may luha ang mata ko. Namumugto rin ito. Hindi ka pa naman kaluluwa pero dinadalaw mo ako hanggang sa panaginip ko. Nakaiinis pa yaong huling pangyayari panaginip ko, binanggit mo ang mga katagang sinasabi mo sa akin, noong mga panahong sinusuyo mo pa ako: "Hindi ka naman mag-isa, may mga taong handa kang mahalin, nasa paligid mo lang. Hindi ka lang marunong tumingin". Doon, nagising ako. Lumuluha. Tangina naman kasi, ilusyon lang ang panaginip. Daluyan ng mga pinakatatago mong pangarap, mga mithiin, mga hiling, mga bagay na iniibig mo, mga bagay na asam mo. Pero malabong magkatotoo.
Nang magising ako, ikaw agad na naisip ko. Paano kung bumalik ka? Isang araw, nakatayo sa harapan ko at humihingi ng kapatawaran, natawa ako, sa isip ko tumatakbo akong palapit sa iyo. Yumakap, yumakap nang mahigpit. Tangina. Hanggang ngayon nangungulila pa rin ako. Hinahanap-hanap ang dating tayo. Minsan naiisip ko, baka panaginip lang ang lahat. O kaya umaasa na babalik ka nga, pagsubok lang lahat. Pero sa dulo, masasaktan at iiyak pa rin ako. Kasi alam kong hindi ka na babalik pa. At alam kong kung bumalik ka man, hindi na maibabalik sa dati ang lahat. Hindi rin naman ako sigurado kung hahayaan kita bumalik, pero gusto kitang patawarin. Gusto kong magkaayos tayong dalawa. Gusto kong maging magkaibigan ulit tayo. Gusto kong normal natin mapag-usapan ang nangyari sa ating dalawa. Ngunit paano mangyayari iyon? Kapwa tayo mapagmalaki. Walang gusto magpakumbaba. O pareho lang tayong takot sa realidad?
Hindi ko alam. Pero nangungulila ako sa'yo Mahal. Nangungulila ako sa pagmamahal mo. Nangungulila ako sa mga panahong mahalagang-mahalaga ako para sa iyo, na ako ang buhay mo. Nangungulila ako. Pakiramdam ko kasi wala nang nagmamahal at magmamahal sa akin gaya ng pagmamahal na ibinigay at ipinaramdam mo sakin noon. Pakiramdam ko mag-isa ako ngayon mahal. Pakiramdam ko kailangan pa rin kita. Naalala ko tuloy ang laging sinasabi mo sa akin: Walang Eugene Clyde kung walang Kristine Mae. Ngayon, matanong kita, buo ka pa rin ba?
Mas nagpapaluha sa akin ang katotohanang masaya ka na agad sa piling ng iba. Paano mo nagawa iyon? Paano ka madaling nakalimot? Naiisip mo pa rin kaya ako? Umiiyak ka rin ba? Minsan ba nanghihinayang ka rin? Naiisip mo rin bang bumalik? Sagutin mo naman ako mahal, kasi nalulunod ako sa lungkot. Yung pakiramdam na bakit madaming tao ang umaayaw sa akin? Yung gusto at mahal ako, pero paglaon magsasawa lang din. Yung hindi ako mahirap mahalin gaya ng hindi rin ako mahirap palitan at kalimutan.
Mahal, tangina, masakit pa rin. Nasasaktan pa rin ako. Ibahagi mo naman sa akin ang sikreto ng paglimot mo. Tulungan mo naman akong makalimot. Ipagdasal mo sa lahat ng diyos na kilala mo ang paghilom ng sugat na dinulot mo. Pakiusap, tulungan mo naman ako oh.
-FIN