“May ilang Biyernes din akong nagpabalik-balik sa’yo.
Ilang Biyernes din iyong pagtatangka kong bawiin ka.
Ilang Biyernes mo rin akong binigo
Hindi nagpatinag, hindi sumama
Ni hindi lumingon at tuluyang nakalimot
May ilang Biyernes din iyong puminit sa akin
Patuloy na dumudurog
At sa tuwina’y nagpapaluha”
(Sipi – Ilang Biyernes ang Puminit sa Akin, 08051026, TINay)
Biyernes na naman, A-trese pa. Pinaghalong lungkot at saya na dulot ng mga alaala ang nararamdaman ko. Hindi ko alam, pero ginawa ko nang ritwal ang paggunita sa’yo sa araw na ito. Tila pag-alala sa kaluluwa ng namatay na mahal sa buhay. Siguro ganoon na rin nga, inaalala ko na lamang ang mga namatay na alaala nating dalawa. Namatay dahil nakaraan na. Nakaraan dahil nakalimutan na. Pero kakatwa lang, sariwa pa rin sa akin ang lahat. Mga panahong naging masaya ako, at alam kong ikaw rin. Hindi ko alam kung hanggang kailan pero mukhang matatagalan pa o baka nga hindi na makalimot pa. Nakatatak na. Ang ngiti, ang luha, mga halo-halong emosyon na nagpakilala sa atin ng totoong mukha ng pag-ibig. Kung paano ba magmahal at kung paano masaktan.
Hindi tayo naniniwala sa kamalasang dala ng Biyernes at A-trese, dahil ito ang inaabangan nating araw. Iyong ating dalawa. Iyong natatangi at para sa atin lang. Ang panandaliang pagtakas sa lungkot at bigat na dala ng mundo. Ang mga piling-piling panahon na mayroong ikaw at ako lang. Ang sarap lang din talagang balikan. Kahit papaano ito ang nagpapangiti sa akin at nagpapaalala na masarap talaga magmahal at hindi ako dapat matakot na muling magmahal. Dahil sa mga panahong minahal mo ako at ako lang talaga, sigurado ako na may kakayahan akong magmahal at mahalin. Yaong mga panahon na sigurado pa ang lahat ng mga ngiti. Sigurado pa ang lahat ng oo. Sigurado pa ang lahat ng ‘mahal na mahal kita’ at ‘hindi kita kayang iwan’. Mga panahong sigurado pa ang ikaw at ako. Mga panahong sigurado ka pa sa akin. Dati.
Hindi ko alam kung pagkamartir o katangahan ba itong ginagawa ko. Ngunit sa mga oras na ito, ito ang nararamdaman ko. Hindi ang pag-alala sa’yo ang kasalanan ko kundi ang hindi paglimot. Bahala na. Bahala na ang panahon kung hanggang kailan ba niya ako paluluhain. Bahala na ang panahon kung hanggang kailan ba siya mangungulit sa akin. Bahala na siya kung hanggang kailan niya ba ako susubukin. Bahala na siyang magdesisyon kung hanggang kailan niya ba ako patitibayin. Bahala na. Wala na akong ibang magagawa pa kundi ang maghintay, sa tamang panahon kung kailan magiging maayos ang lahat.
-FIN