Hindi ako ang malungkot.
Hindi, ako ang malungkot.
Hindi ko alam kung malungkot ba ako o ako lang ang nagpapalungkot sa sarili ko. Pero isa lang sigurado, hindi na ako nalulungkot dahil sa'yo. Kaya nga hindi ko alam kung ano na naman 'tong nagpapalungkot sa akin.
Hinahanap ko ba ang sarili ko? Bakit hindi ko makita samantalang alam ko naman ang mga bagay na gusto ko? Nasosobrahan na naman ba ako sa pag-iisip ng mga bagay-bagay? Mahal ko ba ang sarili ko? Mahal ko pa ba ang sarili ko? Magulo. Tumatanda na ata ako.
Tumatandang paurong. Tumatandang walang pagkatandaan. Hinahanap ang sarili. Hinahanap ang sarili sa pagkatao ng iba. Hinahanap ang sarili sa espasyo sa mundo ng mga kasama. Hindi ko makita. Ito ba talaga ang gusto ko?
Nakalulungkot, hanggang ngayon hindi ko pa rin kilala ang sarili ko. Masaya ako pero hindi. Magaan pero parang ang bigat. Hindi, mabigat talaga. Nabibigatan ako sa bagay na hawak ko't iniingatan ngunit gusto ko nang bitawan. Magulo. Alam kong magulo. Kung sana'y naiibsan ng luha ang hirap ng kalooban sa mga ganitong sitwasyon, ngunit hindi. Magulo pa rin. Magulong-magulo.
Hindi ko sigurado kung ito ba ang dapat kong maramdaman ngunit nag-iisa na ata ako. Wala akong makausap na handang makinig, ito lang ang paraan ko. O baka naman, sinarado ko lang talaga ang pinto para sa ibang tao. Natatakot ba ako? Natatakot ba akong magtiwala at muling masaktan? Natatakot ba akong umaasa sa maling tao na naman. Natatakot na ba akong sumugal? O baka naman natatakot akong muling malungkot? Pero malungkot ako ngayon, ano pang ikatatakot ko?
Utang na loob. Sana'y may silbi ang paghinga. Sana'y malinawan ang isipan sa totoong gusto ng puso ko. Sana'y makontento ang puso ko at matutunan nitong mahalin ang sarili ko. Sana'y makisama rin ang aking katawan. Sana'y maunawaan nitong kailangan kong kumilos upang makalimot sa lungkot na hindi ko alam kung para saan. Sana'y may makasalubong akong tao na handang makinig. Sana'y dumating na siya, dahil ngayon ko siya mas kailangan. Sana'y hindi rin siya manghingi ng kapalit. Sana'y manatili lang siya hanggat nalulungkot pa ako. Sana'y maging totoo siya.
-FIN