04 Nov
04Nov

Linya sa Starting Over Again. Tinatanong ng lahat ng kagagaling lang sa break-up. Isinisigaw ng mga broken. Minsan, ibinubulong sa hangin, kasabay ng mga panalanging ‘sana malimot na kita’.

Pero gaano nga ba talaga kadaling mag-let go? Ano ba ang madaling paraan para makalimot? Masasagot ba talaga ang mga tanong na naiwan? Kailan ba aalis ang mga nakatambay na ‘baka’ at ‘sana’ sa isip ko? Paano ba talaga malilimot ang ilusyon ng kahapon? At bakit nga ba naging ilusyon na lang ang mga bagay na nakapagpasaya sa’yo noon? Bakit ba hindi naging pantay ang distribusyon ng sakit na pumunit saking pagkatao habang sayo’y naging daan ng pagsiglang muli ng puso? Ang daming tanong na walang sagot, at walang kasiguraduhan kung masasagot bang talaga. Ngunit isa lang ang sigurado, masaya ka samantalang ako durog na durog na.

Maraming mga bagay ang posibleng maging daan sa paglimot. Maaaring bagong trabaho, na magbibigay sa’yo ng bagong kapaligiran at bagong pagsubok. Maaaring bagong pagkakaabalahan, gaya ng pag-akyat ng bundok, pag-gym, pagsali sa marathon, pagbabasa ng libro at iba pa. Maaari rin namang bagong tao na pagbabalingan mo ng atensyon, pagbibigyan ng umaapaw na pagmamahal na sinayang ng taong nanakit sa iyo. Kinakailangan mong ibaling sa iba ang atensyon mo upang hindi mo mapansing nasasaktan ka pa, na masakit pa pala. Ngunit paano kung pinipili mo na lang palang masaktan? Na hindi mo na maiiwas ang sarili mo sa sakit, kasi hinahanap-hanap pa rin ng buong pagkatao mo ang pagmamahal para sa taong nanakit sa’yo? Paano kung ang tanging makapagbibigay sa’yo ng kasiyahan ay ang taong nagdudulot sa’yo ng walang hanggang sakit?

Sabi nila, magtiwala ka sa plano ng nasa itaas. Manalig ka. Huwag kang mapagod maghintay. Syempre, maniniwala ka. Pagsubok na iyon sa pananampalataya mo. Pero kapag umiiyak ka, kapag nadudurog ka, kapag parang agos na nagbabalik sa iyo ang mga alaala, napapanatag ka ba ng pagdarasal? Siguro nababawasan ang sakit pero nandoon pa rin. Madaling sabihin na lumimot ka na, wala na talaga, pero mahirap gawin. Dahil buong pagkatao mo ay nananatili pa ring nakakapit sa mga alaala na iyon. Maaaring nabawasan at unti-unti nang nawawala ang pagmamahal mo sa taong nanakit sa’yo, ngunit patuloy mo pa ring minamahal ang mga alaalang nangyari sa pagitan ninyo. Na masarap pa rin balikan ang pag-ibig na pinagsaluhan niyong dalawa.

Alaala na lang ang nagpapahirap sa paglimot. Lalong mahirap dahil magagandang alaala ang lagi mong naiisip. Sampal sa’yo ang katotohanang sa kabila ng magagandang bagay na iyon, nagbago pa rin ang lahat. Dahil nakatadhana itong magbago, kahit gaano kasaya, kahit gaano kasaya ang nasimulan niyo. Magbabago at magbabago pa rin ito.

Comments
* The email will not be published on the website.
I BUILT MY SITE FOR FREE USING