Ngayong araw, Hulyo 13, ay ang petsa ng huli naming pagkikita bilang magkasintahan. Isang taon na ang nakalipas. Napapangiti na lang ako. Hindi ko alam kung masyado lang ba akong emosyonal, o di kaya’y sentimental ang tamang termino pero inaalala ko pa rin ang mga pangyayari. Nang inantay ko siya sa simbahan ng Concepcion para papiliin kung gusto niya ba akong balikan o tuluyan na namin tapusin ang relasyon namin. Umiyak ako noon, nang itanong niya sa akin, “Paano ka?”, bago pa man ako makasagot sa isang aral na paraan, lumandas na luhang alam kong hindi ko naman talaga kayang pigilin. “Kakayanin ko”, ito lang ang sagot ko habang parang batang pinipigilang hindi mapahagulgol. Mali pala ang desisyon ko. Dapat hindi ako umiyak, dapat pinigilan ko kahit mahirap, dapat hindi ako nagpamukhang kaawa-awa dahil lalo lang akong nasaktan sa huli. Hindi niya natiis ang luha ko kaya nagkaayos kami, iyon pala, lalo lang nitong palalalain ang sitwasyon namin dalawa. Kapuwa namin hindi matanggap ang katotohanan na darating din pala sa amin ang araw na magsasawa kami sa isa’t isa, ang araw kung saan palalayain namin ang bawat isa dahil parehas na lang kaming sinisira ng relasyon namin, ang araw kung saan kailangan naming tanggapin na hindi na talaga kami masaya, na hindi na kami sasaya nang gaya noon, noong una, noong sigurado pa kami sa lahat.
Makalipas ang isang taon, mahirap itatwa pero naaalala ko pa rin ang lahat. Hindi na ang bawat detalye, pero nananariwa pa rin sa akin ang pakiramdam. Ang pagiging kawawa sa harap ng taong akala mo noong una’y tagapagtanggol mo, pero hindi, kay bilis na naglaho ang lahat. Siguro marami rin talagang salik ang nakaapekto, hindi lang talaga matanggap ng ibang tao. Hindi lang naman siya ang may kasalanan, siguro talaga marami lang akong pagkukulang. O sadyang hindi talaga kami para sa isa’t isa. O baka naman hindi talaga namin ganoon kamahal ang isa’t isa. Dahil parehas naman kaming hindi lumaban. Hinayaan na lang namin lumaya ang isa’t isa, dahil nasasaktan na kami.
Ngayon ko napagtatanto ang mga detalye, tinanggal ko na iyong bias na tandem ng nagkulang at nagsawa. Sadyang pinaglayo lang kami ng mga sirkumstansiya. Noong una pa lang, hindi naman talaga kami swak, siguro naging sobrang masaya kami sa isa’t isa pero hindi kami healthy para sa benipisyo ng bawat isa. May isang laging nagsasakripisyo, at may isang laging may panunumbat. May isang laging masaya, may isang laging nalulungkot. Siguro nga, parehas lang din kaming nabulag ng pagmamahal kaya kahit may malaki kaming di pagkakaunawa ay pinagtatakpan na lang namin sa sarili namin. Hindi naman bulag ang pag-ibig, ngunit magaling itong magbalatkayo. Pinaniniwala mo lamang ang sarili mo sa pantasiya na “makakaya niyo lahat” pero hindi ito totoo.
Siguro kung balang araw na mabasa mo ang blog na ito, magagalit ka, o matatawa, o magagalak kasi hindi kita malimot-limutan pero wag ka rin mag-alala, sa punto na ipabasa ko sa iyo ito o kung makita mo, nasisiguro ko na masaya na ako. O kahit hindi masaya basta buo. Nagpapasalamat pa rin ako dahil marami akong natutuhan sa relasyon natin, at mas nakilala at mas minahal ko rin ang sarili ko. Sana balang araw, maging maayos din ang lahat para sa ating pagkakaibigan.