Ano nga ba ang tamang edad sa pag-aasawa?
May timeline bang dapat sundin?
May quota ba?
Lumagpas ka na ba?
O baka hindi ka lang talaga napasama sa bilang?
Tuwing may family gathering o reunion with friends, hindi nawawala ang mga tanungang “Kailan ka ba mag-aasawa?”
I am 27 years old, a Public School Teacher, panganay, at sige—hindi na nga kagandahan.
A perfect candidate sa pagiging matandang dalaga.
Oftentimes, people ask me “Ano bang gusto mo sa lalaki?” Kasunod ng patamang, “Choosy ka kasi masyado.” At ako, sasagot lang din nang pabiro, “Sigurado ba kasi kayong lalaki ang hanap ko?” Hanggang sa magtawanan na lang sila at sa akin na lang maiiwan ang tanong.
Ano nga ba kasing gusto ko sa lalaki? Am I being too choosy?
Pero hindi! Sasampalin ko rin ng katotohanan ang sarili ko—“ghOrl! Hindi ka choosy! Ikaw ang hindi chino-choose!” At mga tanong pa rin ang balik nito sa akin.
Puta! Pangit ba ko? Bakit walang nagkakagusto sa’kin? Bakit parang wala sa tadhana ko ang pag-aasawa?
At oo, sobrang nakaka-frustrate! Yung tipong halos lahat sa HS Batchmates mo e unti-unting nagse-settle down, habang ikaw nasa kalagitnaan pa rin sa soul-searching session. Hindi ko alam kung anong birtud ba ang naipasa sa akin pero parang wala akong suwerte sa lalaki!
O wala pang masuwerteng lalaking nakahahanap sa’kin? Char!
Sige—yakap at pampalubag-loob na lang ang kaya kong ibigay sa sarili. Wala rin naman akong magagawa. Alangan naman mamundok, lumipad, lumangoy ako para lang makahanap ng tamang shokoy na para sa akin, ‘di ba?
Kapag nakararamdam ako ng inggit at frustration pagdating sa aspekto ng pagpapamilya, lagi ko lang iniisip ang pamilya ko—na dito lang ako masuwerte e. Kaya siguro, hindi pa ipinagkakaloob ni Lord dahil hindi ko pa kayang bumuo ng ganitong klase ng pamilya. Hindi ko pa kayang maging si Hilda. At paunti-unti, mauunawaan ko na.
Na siguro nga, hindi naman ibibigay ni Lord ang mga bagay na hindi ko pa kailangan. So, hindi ko pa kailangan ng partner sa ngayon? Dahil ang kailangan ko muna ang maging stable para sa sarili ko? Nang hindi maging pabigat sa parating na prince charming. Sige na nga!
Pero hindi ba ako natatakot tumandang-dalaga? Tumandang mag-isa?
A—e, sino bang hindi?
‘Yong tipong, matanda na ako’t uugod-ugod pero walang nakahandang maghain ng pagkain ko sa kuwarto, walang maglalabas ng arinola ko para itapon ang ihi ng pantog kong hindi na maawat-awat dala ng katandaan, na wala akong mahahawakang kamay habang nakasakay sa swing sa labas ng aking bahay, na wala akong magiging katuwang sa buhay—sa totoo lang, natatakot akong mag-isa.
Laging may takot sa akin na darating ang isang araw na hindi ko namamalayang wala na pala akong kasama. Dahil pinili nilang hindi ako piliin.
Sobrang sakit siguro, pero ano nga ba kasing magagawa ko ‘ron? E sa hindi ka kapili-pili, pagdadamutan mo ba ang iba na i-enjoy ang mga bagay na wala ka? Unfair ‘yon. At kung sa tingin mo, unfair sa iyo ang mundo, ‘wag na ‘wag ka maging unfair dito. Dahil higit sa kanino, dapat ikaw ang nakaaalam kung gaano ito kasakit.
—Kung gaano nakahihibang ang mga tanong na paulit-ulit na umiikot sa’yong isipan. Ang mga agam-agam na laging nakaantabay sa pagsalakay kapag ginugupo ka na ng lungkot at pinipili mo nang mapag-isa. Dadamayan ka niya. Aaluin. Ipaaalaala sa iyo ang lahat ng mga kamalian mo, at unti-unti maliliwanagan ka na, “Oo nga naman! Sino ka ba naman kasi para piliin? Ni hindi ko nga magawang piliin ang sarili ko.”
At sa unang pagkakataong pinili mong piliin ang sarili mo, baka hindi na gaya ng dati ang lahat. Mas maluwag mo nang matatanggap na, “Okay lang palang hindi sagutin ang mga tanong na ‘Kailan ka mag-aasawa?’”. Dahil hindi rin naman sila ang magdidikta kung gaano ka nga ba kahalaga. Okay lang. Nakatatakot. Pero, okay lang din naman kasing matakot.
-Fin, 09.06.2020