05 Jul
05Jul

Ang hirap pala talagang maglipat-bahay, ano? Hindi lang ‘yong mismong paghahakot. Kundi pati ‘yong twists and turns na pagdadaanan mo sa biyahe. Paliko-liko. Madalas hihinto. Masisiraan. At ‘pag minalas-malas, ililigaw ka, hindi lang ‘nong mismong biyahe, kundi ‘yong proseso. Parang buong buhay mo ang bitbit mo sa daan, at anomang oras tatangayin ka nito sa kung saan. 

Kaya, ang hirap pala talagang maglipat-bahay, ano? Lalo na kung biglaan. ‘Yong tipong pang-higher level ang impulsive buying urge mo sa katawan kaya bigla ka na lang nakaisip maglipat-bahay? ‘Nak ng baka’t kalabaw. Malay ko ba kasing ito pala ‘yong mga desisyon sa buhay na hindi madadaan sa sorry kapag gusto mo nang bumitaw. Parang tipikal na kasabihan bago magpakasal, na hindi ito mainit na kaning basta-basta na lang isusubo at iluluwa kung mapapaso. Pero utang na loob, nabantilawan kasi ‘yong bigas kaya pati ‘yong mismong saing hindi mo na gugustuhing ulitin pagkatapos ng unang subo. Sa madaling sabi, hindi masarap. 

Kaya, ang hirap pala talagang maglipat-bahay, ano? Lalo na kung babae ka, na lahat ng kilos mo binibilang ng lipunang mapanghusga? 

Bakit ka lilipat? 

Mag-aasawa ka na ba? 

Buntis ka, noh? 

Saan mo nakuha ‘yan? 

Mag-asawa ka na lang! 

Masasayang lang ‘yan, mag-aasawa ka rin naman!

Aba’y teka, Aling Mosa. Ikaw baga’y may ambag sa bayad ko di ‘ne? Ay kung wala’y pikit kapag inggit. Nang ikaw ga’y di atakihin. 

Pero seryosong tanong, bakit kapag babae ang may first move, issue?  Kapag may malaki kaming desisyon, laging may duda, na kailangan laging may approval ng iba? Dahil panigurado kapag nagkamali ka, madudurog ka at mas magiging liability sa kanila. Like, hindi ba namin kayang magdesisyon sa buhay at humarap sa mga consequence ng mga desisyong iyon? Ganoon ba kami kahirap pagkatiwalaan ng sarili naming buhay? Kailangan ba lagi kaming kadikit lang ng pangalan ng iba? Na anino sa kanila? Na hindi namin kayang tumayo sa sarili paa? Na lagi kaming nangangailangan ng pag-alalay dahil hindi namin kayang mag-isa? 

Puwes, nagkakamali ka. Mahirap maglipat-bahay, oo. Pero hindi nangangahulugang, hindi kinakaya.

Comments
* The email will not be published on the website.
I BUILT MY SITE FOR FREE USING