Bago ang Hulyo 2016
Masaya. Mali, maligaya. Maligaya ako dahil sa iyo. Ikaw ang buhay ko. At ako ang buhay mo. Maligaya tayo sa piling ng isa’t isa. Oo, may mga problema pero pinagtutulungan natin para maging maayos ang lahat. Isang beses sa isang linggo lang tayo kung magkita dahil parehas tayong abala sa gawain at parehas tayong may trabaho. Tuwing ika-13 ng buwan, ipinagdiriwang natin ang araw na naging tayo, ang unang araw nating nahalikan ang isa’t isa sa labi, ang unang araw na inamin kong mahal din kita. Maligaya ang mga araw. Hindi lilipas ang isang araw nang hindi tayo mag-uusap, lagi tayong magka-text, madalas magtawagan. Pinag-uusapan ang mga karanasan sa nagdaang araw. Mga masasaya at malulungkot pati mga nakagagalit na reklamo sa mundo. Hingahan natin ang isa’t isa. Perpekto, perpekto ang mundo natin kapag tayong dalawa ang magkasama. Pinupunan natin ang pagkukulang ng isa’t isa. Ayaw kong akuin ang lahat ng sakripisyo, dahil naniniwala akong maraming ka ring pagtitiis sa akin. Hindi ako perpektong kasintahan pero ginawa ko ang lahat para mapasaya ka, para mapagaan ang bigat ng iyong mundo. Tinulungan kitang buhatin ang mundo mo. Ayaw kong manumbat pero, ang problema ko ay problema ko lang. Sa tuwing kailangan kita, kailangan mo rin ako. Kaya nauuna ang pangangailangan mo. Hanggat maaari iniiwasan ako ang panunumbat dahil naniniwala akong ang pag-ibig ay hindi mapagmalaki. Hindi sukatan kung sino ang mas Malaki ang sinakripisyo, kung sino ang mas naghirap para mapagtagumpayan ang maraming pagsubok. Naniniwala akong kasama sa pagmamahal ang pagpikit sa kabila ng hirap na nararanasan. Naging masaya tayo sa isa’t isa. Nandoon ang pagkakaroon ng problema pero pilit nating nilalagpasan. Sa ating dalawa, alam kong ako ang mas madalas magselos. Mas madalas magtampo. Pero hindi ako mabunganga di ba? Tahimik lang ako. Oo, madalas magmatigas pero lumalambot din naman agad. Ipinalagay ko na kasi ang sarili ko na tayo hanggang dulo kaya kung may problema hindi dapat patagalin para hindi lumala. Usapan pa natin, bawal magtiisan. Kung miss na ang isa’t isa magkita. Kung galit ang isa, suyuin. Kung galit sa isa, humingi ng tawad. Nakatutuwa na sa relasyon natin natuto tayong unawain ang mali ng isa’t isa. Nag-mature tayo dito. Lumago. Mas natutong mag-isip. Mas natuto ng tamang pagmamahal. Masaya ang mga araw natin. Dumating sa punto na nagplano na tayong ng pagpapakasal. Nakakikilig, sobra. Maligaya ang puso ko sa tuwing pinag-uusapan natin ito. Na parang siguradong-sigurado ka na ako ang gusto mong makasama hanggang sa pagtanda. Naisip mo na ang petsa kung kailan tayo magpapakasal, April 13, 2018 iyan ang kinukwento mo sa pamilya mo. Sabi mo, hindi hihigit sa dalawang taon magpapakasal na tayo. Binibiro pa kitang ayaw mo na akong pakawalan kaya nagyayaya ka na, sasagot ka naman, wala kang balak pakawalan ako. Nakakikilig, sobra. Mabait ang pamilya mo sa akin, mahal nila ako. Alam at ramdam ko iyon. Mahal ka rin naman ng pamilya ko, kaya lang hindi nila ipinapakita dahil ayaw pa nila akong mag-asawa. Pero alam mo naming tinanggap ka nila sa tahanan namin, hindi nga lang kasing galak nang inaasahan mo. Pero kampante tayo sa mga pamilya natin. Boto sila sa akin, okay ka na para sa kanila. Alam ko iyon ang nararamdaman mo, masungit kasi ang tatay ko. Pero palagi kitang pinagtatanggol. Palagi kong kinukwento ang pinakamagagandang kwento tungkol saýo. Mahal kita kaya puro magaganda lang ang nakikita ko tungkol saýo. Ipinagmamalaki kita, ipinagmamalaki ko kahit ang pinakamaliit na magandang bagay na ginawa mo. Ako, minsan ipinagmamalaki mo. Minsan lang, dahil mas nauuna ang marami mong kwento. Madami akong bagay na gustong ikwento, mga bagay na ginawa ko, mga papuri ng katrabaho at estudyante ko, mga magagandang bagay na gusto ko ring ipagmalaki saýo kasi ikaw ang mundo ko. Gusto ko maipagmalaki mo rin ako. Nakatatawa nga, mas inuuna pa kita kaysa sa pamilya ko. Mas gusto pa kitang makasama kaysa sa pamilya ko, kaysa sa kaibigan. Kasi ikaw nga ang mundo ko, ikaw ang tahanan ng puso ko, saýo panatag ako. Siguro nga ganun ang tamang pagmamahal. Para sa akin, iyon ang tamang pagmamahal. Ibinigay ko saýo ang pinakatamang pagmamahal na alam ko. Pero hindi pala sapat lahat. Unti-unting nadurog ang masayang puso.
-Fin