Tulala—tuwing kailan nga ba tayo natutulala?
Kapag may naiisip?
Kapag walang maisip?
Kapag naguguluhan?
O kapag sadyang magulo ang isipan?
Hindi naman ako writer. Expressionist lang. Natutuhan ko sa isang seminar na dinaluhan ko noon sa Marikina. Sabi ko noon, nagsusulat ako dahil lang sa gusto kong mailabas kung ano ang nararamdaman ko. Hindi naman kasi ako makuwentong tao. Well, at least, sa damdamin ko.
Ibang-iba ang ako, sa kung ano ang mga naisusulat ko.
Tulala—kapag nakatulala ba may iniisip talaga?
O blangko ang lahat? Parang hinahayaan mo na lamang magpahinga ang isipang pagod na pagod sa kung ano na nga ba ang dapat na unahing isipin.
Maraming dapat isipin. Hindi mo na maisa-isa ang bawat detalye ng magkakaibang ideya. Sunod-sunod. Patong-patong. Pila-pila. Hanggang sa matutuliro ka. Ayaw mo na lang bigla mag-isip. Dahil kasunod ng pag-iisip ay panibagong pila na naman ng mga dapat isipin. Ang gulo-gulo.
Ni hindi mo na nga batid kung ano ba talaga ang gusto mo. Ni hindi mo na nga kilala ang sarili mo. 1:35am