NILITO MO AKO
Nilito mo ako, nang minsan tayong nagkatitigan
Dama ko ang pagkilatis mo
Na parang gusto mong yakapin ang puso ko
Na parang nagpapahiwatig ang mga mata mo.
Nag-aaya, na halika aalagaan kita dito.
Nilito mo ako, nang minsan tayong magkalapit
Narinig ko ang tibok ng puso mo
Na nagbabadya ng pagmamahal
Na nagsasabing pasasayahin kita
Basta’t sumama ka lamang.
Nilito mo ako, nang minsan tayong magtawanan
Sa mga birong pinagsaluhan panandalian
Nagtama ang mga naniningkit na mata.
Kapwa dama ang gaan ng mundo.
Kasalo ang naghihilom na puso.
Nilito mo ako, nang minsan tayong nag-usap
Na may pahiwatig ng pag-aalala
Na handang damayan ang isa’t isa
Handang samahan sa paglimot
Handang tulungang umibig pang muli.
Nilito mo ako, at patuloy mong binabagabag ang puso ko
Na nahihirapan magdesisyon
Kung uunahin ko bang mahalin ka
O uunahin kong patawarin siya.
Nilito mo ako, na hindi ko na alam
Kung ano ang mas tamang gawin
Ang mahalin ka,
O magpaubaya.
Nilito mo ako, na hindi ko alam
Ang dapat kong panindigan.
Ang mahalin ka nang palihim,
O ang aminin sa’yo ang damdamin.
Nilito mo ako, kaya natatakot din akong magmahal.
Dahil hindi ko rin talaga sigurado
Kung handa ka rin bang tanggapin ang pag-ibig ko.
O kung siya pa rin ba ang nagmamay-ari ng puso mo.
Nilito mo ako at hindi ko alam ang sagot.
Kaya patawad, kung itatago ko na lang
Ang pag-ibig kong hindi sigurado.
Dahil ayoko nang sumugal,
At masaktan pang muli.
Sa ‘baka’ tamang tao,
Kasi nga, hindi naman ako sigurado.
-FIN