[Enter Post Title Here]
“Minsan kasi ang last choice mo ay ang last option mo.” Ang sabi ng Ex- kong naghahanap ng masisisi sa break-up namin nang dahil sa may nagustuhan siyang iba. Pupusta ako, maling-mali ang pahayag na ito. Hindi lang dahil sa bitter ako (inamin kong bitter ako, kasi kahit sabihin kong masaya ako para sa kanila wala rin namang maniniwala, kaya paninindigan ko na lang ang pagka-bitter ko), kundi dahil sa ideya na hindi ka dapat mag-settle as option lang. Dapat ikaw ang ‘only choice’. Kasi kung mahal ka, dapat wala nang iba pa, hindi ba? Sayang, bilib pa naman ako sa kaniya noon, pero ngayon sobrang daling butasin ang ideolohiya niya.
Pero iyon na nga, bakit ko sinasabing naghahanap lang siya ng masisisi? Kasi iyon ang napapansin ko sa karamihan ng mga lalaki sa ngayon, o sige, kahit sa mga babaeng nangangaliwa para at least may gender sensibility ang post ko. Lagi’t lagi na lang na may rason ang mga taong nananakit. Lagi tayong may depensa. Sa bagay, hindi naman natin hahayaang magpagisa tayo sa sarili nating mantika. Pero gaano kaya kahirap iyon? O baka madali lang, ang magmaang-maangan na nakasakit ng isang tao. Iyong parang nagkukunwari kang manhid sa harap ng maraming tao. O di kaya naman nagpapanggap kang may amnesia. Ang galing lang, kasi may mga tao pala talaga ganoon?
Pero sige, para hindi maging sobrang bias nitong post ko, ipagpalagay natin na nasaktan din talaga iyong taong nanakit, kasalanan ba iyon ng taong sinaktan niya? Kung in the first place, siya ang nagbitaw ng desisyon, siya ang unang umayaw, siya ang kumalas, at siya ang may kasalanan ng lahat? Well, itinatanggi niya na nga pala ‘yan sa ngayon. Hindi lang daw siya ang may kasalanan. So ito na nga ang sinasabi kong naghahanap ng masisisi. Kasi dati, aminado naman siyang kasalanan niya ang lahat, nagkagusto siya sa iba. Pero kasalanan ba ng naiwan kung may pagkukulang siya? Paano naman ang pagtitiis ng matagal na panahon pero pananatili? Napagwalang bahala na lang ba iyon?
Oo, nagtiis ako nang matagal-tagal din, pero hindi ako bumitaw at iyon ang malaking kasalanan ko sa sarili ko. Na sana pala, noon pa lang nagising na ako sa katotohanang hindi na healthy ang relasyon ko sa iyo. I know, nasa huli ang pagsisisi pero ikaw ang pagsisising hindi ko pinagsisisihan. Kasi aminado naman ako, ang pagsugal ko sa iyo ay ang pinakamasayang laro ng buhay ko. Sounds romantic ang label na hopeless romantic pero baka ganoon nga talaga ang totoong nagmamahal.
Iyon na nga, sa huli, wala rin naman nang magagawa ang pag-iyak ko sa iyo, lalo na’t masayang-masaya ka naman. Unfair naman kasi talaga ang lahat. Kailangan mo lang talaga mag-deal sa pagiging unfair ng mundo sa iyo. Sige, sabihin nating nasaktan ka rin, o nasaktan din ang mga taong nanakit, pero dahil may politika rin sa pag-ibig, HEARTBREAKS DON’T BREAKEVEN. Lagi’t laging may mas kawawa. Lagi’t laging may naiiwan. Lagi’t laging may isang hindi maka-move-on. At oo, siguro nga ako ang isang iyon. At ayos na rin siguro, natuto naman ako sa pagkadurog ko.