30 Jan
30Jan

1.30.18

"Detoxify...kailangan mong mag-detoxify mula sa lahat ng aspekto ng buhay. Para maging buhay ka ulit. Kailangan mong kumawala, mismo, upang makalaya. Humulagpos, mula sa matagal-tagal na ring palaisipan na naglalaro sa iyo. Humilay, sa buhay na kinasanayan mo na, at gumawa ng panibagong kuwentong magsisimula sa unang hakbang mo palayo sa mga taong hindi nakatutulong sa iyo."

Ginawa kong subject ang sarili ko sa isang experiment. Sinubukang kumuwala sa ano mang social media platforms. Pero hindi ko basta kaya. Sinimulan ko sa Facebook at Messenger na sobrang importante para sa akin. I know, madali lang ito para sa iba, pero believe me, sobrang hirap para sa isang katulad ko na social media maniac. I guess, disorder ito. Pero susubukan kong makatakas, for my own good. I' m trying to settle as well my personal issues.

2.10.18
IT WAS NOT SUCCESSFUL.
HINDI KO KINAYA.
HINDI KO KAYA.
Without social media or my phone, literally, I will die. Without any outlet, dark thoughts consumed me. Hindi maganda sa pakiramdam. Hindi dahil sa hindi ko kayang mabuhay nang walang phone. Kundi, hindi ko kayang mabuhay nang walang mapagkakaabalahan. Kung ipapaubaya ko lang ang sarili ko sa "sarili ko", papatayin lang ako ng sarili kong pag-iisip. At ayaw kong mangyari iyon.
Bumalik ako sa dating gawi, ayaw ko nang magkulong. Ayaw ko nang sarilinin ang lahat. Bumalik ako sa tao. Kahit na magsisinungaling ulit ako. Ipakikitang ayos ang lahat kahit hindi naman talaga. Kunwari masaya pero malungkot. Kunwari buhay na buhay pero unti-unting namamatay. Mas ayos na siguro ito. Ayaw kong mag-alala ang mga tao sa akin. Sino ba naman ako para bigyang-atensyon? Sayang lang ang oras, luha, at atensyon nila sa mga drama ko. Kaya dapat, hindi ako makaabala sa ibang tao. Ayaw kong madagdag sa gulo. Dahil alam kong napakahirap ng naguguluhan.


Sinubukan kong makinig sa problema ng iba. Kahit may problema ako. Dahil alam ko kung ano ang pakiramdam na walang interesadong makinig sa iyo. Wala gustong magtanong. Walang gustong umunawa ng mga bagay na hindi mo ko kayang ipaliwanag. Walang handang maghintay. Walang gustong maghintay. Walang gustong manatili. Sapagkat, lahat ng tao ay pagod at uhaw sa pag-ibig at pagmamahal. Wala nang gustong kumalinga dahil lahat ay kailangan nito. Ang hirap mabuhay sa ganito. Pero kailangan, kasi nagmamahal tayo. At kailangan nating huminga para magmahal at mahalin. Kaya nagdesisyon ako, mabubuhay ako. Bubuhayin ko ang sarili ko para sa pamilya ko. Ayaw kong maging makasarili at tumakas sa problema. Kailangan kong ipaunawa sa sarili ko na kailangan nila ako kaya kailangan kong mabuhay. Mahirap pero dapat kayanin dahil mahal ko sila. At dapat alam ko ring mahal nila ako. Kahit ano pa ang mangyari. Lagi't lagi silang nandiyan. Di ako nag-iisa. Kahit napahirap dahil hindi naman ako nagkukuwento sa kanila. Hindi nila alam ang naiisip ko pero alam kong nauunawaan nila ako kahit na hindi ako magsalita. Dahil iyon ang kapangyarihan ng pagmamahal, na mayroon sila para sa akin. 


Nagdesisyon akong lumaban dahil sa pagmamahal, at kahit na ilang beses pa akong biguin ng pag-ibig, patuloy pa rin akong magmamahal. Dahil ito ang esensiya ng buhay.

Comments
* The email will not be published on the website.
I BUILT MY SITE FOR FREE USING