Hi Kristine Mae,
Naisulat ko ito habang nagsusulat din ang mga estudyante ko patungkol sa aktibidad na ito. Ang magtala ng mga bagay na nais sabihin ng alter mo sa iyong sarili.
Naitanong ko, ano ba talaga ang gusto kong sabihin sa sarili ko?
Marami. Words of encouragement. Mga masasayang bagay. Mga bagay na magpapaalala kung paano ba talaga ako magmahal. Mga bagay na magpapaalala na marunong pala akong magmahal.
Kristine Mae, marunong kang magmahal. Napakaswerte ng taong mamahalin mo. Kakaiba ka. Hindi ka madaling sumuko sa pag-ibig o baka nga hindi ka talaga marunong sumuko. Masyado marubdob ang paniniwala mong masarap ang pakiramdam ng nagmamahal. At sa tingin mo walang mali sa pag-ibig. Wala nga namang mali sa pag-ibig, dahil ang Diyos mismo ay pag-ibig. Nagiging mali lamang ito kung sa maling tao mo pala naibigay nang buo. Nagiging masakit ang pagbawi mo nito. Ngunit hindi ka nagsisisi, naniniwala kang binigay mo lamang ang pinakatamang pag-ibig sa tamang taong minahal mo. Naging masaya ka kaya hindi ka nagsisisi. Naging masaya ang bawat sandali na magkasama kayo. Naging buo ka sa mga pagkakataon na iyon. Masarap sa pakiramdam.
Ngunit Kristine Mae, nadurog kang muli. Hinayaan kang mahulog mula sa kalangitan ng pag-ibig na tatlong taon mong niliparan. Nahulog ka at walang sumalo sa’yo. Nasaktan ka. Nadurog kang bigla. Hindi ka makapaniwala na sa isang iglap ay maglalaho na lang bigla ang paraisong binuo ninyong dalawa. Nagulantang ang buo mong pagkatao. Nagising ka na lamang na wala ka nang kasama. Wala na siya. Kasabay na naglaho ang mga pangako na habambuhay ay magsasama kayo. Na handa ka raw niyang samahan hanggang sa pagtanda. Na bubuo kayo ng isang team ng basketball player at isang team ng cheerleaders. Nakatatawa. Posible pala talagang sa isang iglap maglaho lahat ng damdamin. Hindi ko alam kung paano niya nagawa pero hindi pa rin ako makapaniwala. Siguro iba-iba lang talaga ang perspektiba ng tao sa salitang pag-ibig. Na pwedeng bigla-bigla na lamang may mahal na siyang iba. Na may iba na siyang gusto.
Pero Kristine Mae, huwag kang mawalan ng pag-asa. Huwag mong ibahin ang paniniwala mo sa mundo. Huwag kang matakot magmahal. Huwag mong isara ang puso mo. Huwag kang matakot magtiwala ulit. Darating ang panahon na mahahanap mo rin talaga ang tamang tao na mamahalin ka hanggang dulo, na mamahalin ka sa paraang karapat-dapat kang mahalin. Huwag kang mapagod maghintay, darating din yan. At sa pagkakataong iyon, siguraduhin mong buo mo pa ring ibibigay ang pagmamahal mo.
Sa huli Kristine Mae, alagaan mo na ang puso mo. Pakasigurahin mong tamang tao na talaga ang pagbibigyan mo ng puso mo. Ingatan mo na ito. Dahil baka sa susunod na pagkakataon, hindi ka na makabangon pa.
-FIN