Pelikulang For Adults Only: Pagsusuri sa Kwento ng Buhay ng Isang Puta
at ang kanyang Pagpuputa
Puta. Pagpuputa. Sino ba talaga ang puta? Sino-sino ang kadalasang nasasadlak sa pagpuputa?
Kaiba ang pagtalakay ni Jose Maria F. Lacaba o mas kilala bilang Pete Lacaba sa larangan ng panitikan at midya, sa paksang prostitusyon. Marahil mas gamay niya ang midya, kaya alam ni Pete Lacaba kung paano ibahin ang atake sa pagkukwento gamit ang tula. Kilala si Pete Lacaba sa pagsulat ng iskrip pampelikula, pagsasalin ng mga akdang-pampanitikan, bilang patnugot ng mga sulating pampamamahayag, at kilala sa mundo ng panitikan bilang manunula.
Isang palasak na paksa ang tinalakay sa tula. Patungkol sa sitwasyong kinahaharap ng isang puta. Mga salik kung bakit nagpuputa ang isang puta. Ngunit kung iisipin, hindi ba naging patas ang lipunan nang ikabit nila sa ngalan ng kababaihan ang terminolohiyang “PUTA”? Bakit walang lalaking puta? Bakit walang putang-ama? Bakit puro putang-ina ang kadalasang nababanggit kapag nagagalit ang isang tao? Bakit sa babae at hindi sa lalaki? Totoo nga sigurong walang pantay na pagtingin sa pagitan ng mga babae at lalaki.
Lahat ng ‘di ko dapat malaman natutunan ko sa pelikulang for adults only. Ano ba ang tema ng mga pelikulang for adults only?
Ayon sa Movie & Television Review & Classification Board (MTRCB) nahahati sa anim (6) na klasipikasyon ang mga pelikulang maaaring ipalabas sa bansa. Kabilang dito ang Pangkalahatang Panoorin (General), Pangangailangan ng Patnubay ng Magulang (PG- Parental Guidance), Para sa Labintatlo Pataas (R-13), Para sa Labing-anim Pataas (R-16), Para sa Labing-walo Pataas (R-18) at mga ipinagbabawal sa publiko (X-Rated). Kabilang ang R-18 at X-Rated sa pelikulang “for adults only”.
Ang R-18 ay mga pelikulang nangangailangan ng mas malawak na pang-unawa sapagkat naghahayag ito ng pangit na katotohanan sa buhay. Inaasahan na ang mga taong may edad labing-walo pataas ay may sapat na kakayahan upang timbangin ang mga impormasyong mapanonood sa pelikula. Ang pagtanggap sa realidad na may tamang paghuhusga kung ito ba ay tama o mali ang hamon sa panonood ng mga pelikulang R-18.
Ang mga pelikula namang Rated-X ay hindi maaaring ipalabas sa pangunahing sinehan sa Pilipinas. Dahil lumalabag ito sa pamantayang inihain ng pamunuan ng MTRCB, labag din ito sa pamantayang nakasanayan ng maraming Pilipino. Prostitusyon, droga at krimen ang kalimitang nagiging paksa ng mga Rated-X na palabas.
Ngunit bakit hindi nararapat na malaman ang mga bagay na ipinakikita ng mga pelikulang for adults only o ng R-18 at Rated-X na palabas? Kung ito naman ang realidad, bakit hindi ito kailangang malaman?
Maruming politiko, ipokritong pari, magpaparing kapatid ng puta, adik na anak ng puta, anak na maaari ring masadlak sa pagpuputa, mga manang na nagbubulungan tuwing makasasalubong ang puta, mga kabarkada ng puta, tiyuhing gumahasa sa puta at ang lalaking mahal ng puta, ang ilan sa mga personang pinalutang ni Pete Lacaba sa tula. Tila mga karakter lamang din sa isang pelikula na ang bida ay ang puta at ang kwento ng kanyang pagpuputa.
Bakit nga ba nagpuputa ang isang puta? Ginusto ba nilang maging puta? Masama ba ang puta? Mayroon bang kabutihan sa pagkatao ng isang puta?
Nagdarasal sa madaling araw ang puta. Marahil humihingi ng kapatawaran sa kanyang mga kasalanan, kapatawaran sa mga nasira niyang pamilya, kapatawaran sa minsang panloloko niya sa kanyang kostomer, kapatawaran para sa kanyang pagpuputa.
Ang konsepto ng pagsisimba tuwing madaling araw ay naipamulat para sa mga magsasaka na bumabangon bago pa man sumikat ang araw. Ngunit sa tula, ang pagsisimba ng puta sa madaling araw ay mayroong kaibang ideya. Dapithapon kung gumayak ang karaniwang puta para sa kanilang arawang rasyon ng panandaliang aliw. Hangga’t maaari bago sumapit ang hating gabi mayroon na silang kostumer para hindi sila mabokya sa gabing iyon. Sa pinapasukang club ng isang puta, palitan din ang pagsasayaw nila sa entablado at nakadepende rin ang kita kung nakahubad ba o may kakarampot na saplot sa katawan para sa gabing iyon. Nakadepende sa puta kung gugustuhin niyang magpa-table sa mga parokyano doon. Kung papayag siyang ilabas ng kostumer at dalhin sa motel may dagdag pang kabayaran para doon. At pagkatapos ng isa o makailang ulit na sesyon (depende sa usapan), maghihiwalay ng landas ang kostumer at ang puta nang parang walang nangyari sa gabing nagdaan. Masaya ang puta kung malaki-laki ang ibigay na tip ng kostumer, mayroong konting reklamo kung mabaho at pawisan ito. Ngunit wala siyang magagawa, uuwi na lamang at kung hindi tatamarin dadaan sa simbahan ng kanilang baranggay. Sisilip-silip. Ngingiti-ngiti. Maluluha. Ngunit wala siyang magagawa.
Maraming nagsasabi na hindi raw nagpapahalik sa labi ang isang puta. May bahid pa rin kaya ng pandidiri ang puta? O inilalaan niya lamang ito sa taong minamahal? Marunong pa rin bang magmahal ang puta? May karapatan bang magmahal ang puta? Walang ibang makasasagot kundi isang puta rin.
Kung susuriin ang tula sa dulog ng teoryang Naturalismo, mapapansin ang tuwirang pagsasabi na mayroong kabutihan sa pagkatao ng isang puta. Ngunit ito ay napangungunahan ng galaw ng kanyang kapaligiran. Ang isang puta ay nagsadlak sa pagpuputa dahil kailangan niyang mabuhay. Hindi lang basta tawag ng laman kung bakit hinahanap-hanap ng isang puta ang pagbibigay-serbisyo tuwing gabi o madaling araw, ito’y pangangailangan sa buhay. Kailangan niyang mabuhay. Kailangan niyang buhayin ang mga kapatid at kanyang anak. Kailangan niyang itaguyod ang pamilya upang hindi magaya sa kinasadlakan niyang buhay. Ito ang malungkot na katotohanan na hindi na maaaring talikuran ng isang puta. Realidad. Malungkot na realidad ng buhay.
Bakit nga ba sa dami ng maaaring pasukang trabaho, pagpuputa na lamang ang naiisip ng isang puta? Marahil hindi siya nakatapos ng pag-aaral kaya walang tumatanggap sa kanya. O di kaya’y pinaniwala na niya ang kanyang sarili na wala nang handang tumanggap sa kanya, dahil wasak na siya, durog, marumi, puta. Pinagparausan ng kanyang tiyuhin noong bata pa. Hindi nanlaban gawa ng siya raw ay mangmang. Hindi nagsumbong dahil walang naniniwala. Hindi nag-ingay dahil walang nakikinig. Walang nakauunawa sa karanasan ng isang puta, kundi kapwa mga puta rin.
Sa mga palasak na palabas, teleserye o pelikula man, ang mga puta ay laging extra lang. Lumalandi sa mga bidang lalaki. Sasabunutan ng bidang babae. O di kaya’y mamamatay sa huli. Dahil walang kwenta ang karakter. Marumi ang pagkatao. Hindi dapat tularan. Kaya hindi rin dapat pahalagahan. Ni hindi dapat mahalin. Ngunit marunong magmahal ang puta. At ang puta ay marunong makontento. Makontento sa ilang gabi sa piling ng minamahal nang hindi umaasang aalukin siya nito ng kasal. Makokontento sa perang ibibigay sa kanya para lamang tigilan ang lalaking iniibig dahil masisira niya ang pamilya nito. Makokontento sa ideyang walang sa kanya, sa lahat ay may kahati siya.
Sa kulturang Pilipino, masama ang puta, katumbas ito ng pagmumura. Hangga’t maaari ipinagbabawal. Ito ay taboo, idiktang bawal. Kapag ang isang babae ay nakitang umalis sa gabi, hinuhusgahan na agad itong masama, marumi, puta. Dahil ang babae ay dapat na nasa bahay na bago dumilim. Kapag ang isang babae ay nakasuot ng napakaiksing palda o shorts, hinuhusgahan na agad itong masama, marumi, puta. Dahil hindi dapat lantad lahat ng balat sa katawan ng isang babae. Kapag ang isang babae ay nagmumura at malalaswa ang lumalabas na salita sa bibig, hinuhusgahan na agad itong masama, marumi, puta. Dahil hindi dapat maglakas ng boses ang isang babae, nagsasalita ito nang mahinhin at mayumi. Maraming dapat ang itinakda at inaasahan ng lipunan para sa mga kababaihan, at kung hindi ito masunod, huhusgahan ka agad na masama, marumi, puta.
Mahirap panatilihin ang kaayusan sa sarili kung magulo naman ang kapaligiran. At ang tao ay likas na makasalanan. Walang taong perpekto. Kaya nakatatawang isipin na naghahangad tayong maging perpekto sa mundong hindi rin naman perpekto. Ang pagiging perpekto ay nasa isip lamang ng mga taong nagdidikta ng tama at mali sa lipunan. Ni hindi sinusuri kung naging patas ba para sa lahat ang pamantayang ito. Sino lang ba ang nakikinabang sa mga pamantayang ihinahain? Sino ba ang nahihirapan?
Sa huli, pangangailangan ng tao ang mabuhay. Pangangailangan ang pera para mabuhay. Pangangailangan ang pera sa buhay. Pera ang nagpapaikot ng lahat. Ngunit sabi nga nila, ang totoong kaligayahan ay hindi mabibili ng pera. Gaya ng kaligayahan ng isang puta, kamatayan lamang ang tutubos sa isang puta. Kamatayan lamang ang magpapagaan ng buhay ng isang puta. Kamatayan lamang ang makapagpaliligaya sa isang puta.
At sa kabilang buhay, maaaring maging malaya siya. Maaaring magmahal. Maaaring sumamba nang walang mga manang na nagbubulungbulungan sa tabi. Kung sa langit o impyerno man mapupunta ang isang puta? Hindi ko alam. Kapwa puta lamang din ang makasasagot.
Mali. Hindi ko pa alam. Hindi mo pa rin alam. Dahil pare-parehas lang naman tayong mga puta!
-FIN