03 Nov
03Nov

Hi! 

Madaming tumatakbo sa utak ko ngayon. Mga tanong ulit. Tanong na paulit-ulit at nakasasawa na. Tanong na minsang mong sinabi na nasagot na ngunit bulag lang ako kaya hindi ko makita. Tanong na hindi na nag-iiwan sa akin pag-asa ngunit dumudurog pa rin sa akin. Tanong na hindi kayang sagutin ng sarili ko. Tanong na hindi ko rin kayang marinig mula sa'yo ang mga sagot.

Muli kong tiningnan ang account mo. Hindi dahil sa bobo ako o muling magpapakatanga sa'yo. Tiningnan ko, para subukin ang sarili ko kung kaya ko na ba talaga? Pero tangina. Nandito pa rin ang sakit. Ang makita kang masaya sa piling ng iba ay dumudurog pa rin sa akin. Kasama ang buong pamilya mo, nakangiti, masaya, magkayakap. Mga bagay na dati para sa akin. Kaso tangina, dati nga kasi iyon. Hindi na ako ang babaeng kasama mo. Hindi na ako ang mahal mo. Iba na ang dapat mahalin ng pamilya mo.

Pero bakit? Paano ba nangyari? Na ang isang magandang relasyon sa pagitan nating dalawa at ng mga tao sa paligid natin ay bigla na lang nag-iba? Nagbago? Bakit napakadaling gumuho ng pagmamahal? Bakit parang sa isang iglap lang, boom, wala na si Kristine Mae sa buhay ko. Hindi ko na mahal si Kristine Mae. Hindi na si Kristine Mae ang buhay ko. Tangina kasi. Ang hirap namang hanapan ng paliwanag ang bagay na hindi mo talaga maintindihan. Kasi hindi naman ako ganun, kaya bakit ako yung nagagawan ng mga ganoong bagay, 

Mahirap ba akong mahalin? O madali lang talaga akong kalimutan? Sa akin ba talaga ang problema? Hirap akong tanggapin kasi alam ko ibinibigay ko naman ang lahat. All out ako lagi e, kaya nga durog kung durog talaga. Pero mali ba yun? Na mahalin mo nang sobra ang isang taong pinagkakatiwalaan mo? O mali lang ba talagang magtiwala ng lubos? Pero paano mo masasabing nagmamahal ka kung hindi ka naman nagtitiwala? Waaaaaaah. Nakababaliw di ba? Lahat nang iyan gumugulo ngayon sa utak ko. Mga tanong. Sobrang daming tanong. Tapos ang sasabihin mo lang sa akin ay kailangan ko lang tanggapin? Tangina. Ikaw natanggap mo kasi may pamalit ka, may reserba, ikaw ang may problema kaya tinanggap mo na lang para maiiiwas ang sarili mo sa sisi, na ikaw talaga ang may mali. Natukso ka di ba? Pero bakit ka nagpatukso tangina. Ako ba talaga ang may kulang? 

Hindi ko talaga alam. At hindi ko rin talaga alam kung hanggang kailan masasagot lahat ng tanong. Hindi ko rin alam kung sino ba ang makasasagot ng mga tanong. Ikaw? Ako? o ang bagong taong pagkakatiwalaan ko ng puso ko. Sa tingin ko walang makapagsasabi.

Comments
* The email will not be published on the website.
I BUILT MY SITE FOR FREE USING