10 Aug
10Aug

“Ang pagmamahal ay pagpapalaya

Ang hayaan siyang lumipad papalayo sa’yo

Ay ang pinakamasakit ngunit pinakamatapang mong desisyon

Kung pagmamahal ang pagtanaw lamang sa’yo mula sa malayo

Tatanggapin ko.

Tatanawin pa rin kita nang buong pagmamahal

Tatanawin ko mula sa malayo ang iyong paglago”

Mahirap makalimot ang puso. Lalo na ang pusong nasaktan. Ngunit ang totoong nagmamahal ay marunong magpalaya. Ang totoong nagmamahal ay hindi makasarili.

Sa awiting The Art Of Letting Go ipinakita ang pinakamahirap na bahagi ng paghihiwalay, ang tuluyang pagpapalaya sa isa’t isa, ang tuluyang paglayo, ang paniwalain ang sarili sa palasak na kasabihang “kung kayo, kayo talaga”. Ngunit hindi magiging madali ang lahat. Kinakailangan ng matibay na puso upang harapin nang may tapang ang proseso ng tinatawag na moving-on.

Maraming bagay ang pilit magpapaalala kung ano ang mayroon kayo noon. Paboritong kainan tuwing lumalabas kayo isang beses sa isang linggo o tuwing monthsary ninyo at paboritong pagkain na pinagsasaluhan ninyo. Mga pelikulang pinanood ninyo sa sinehan habang naglalambingan sa madilim na bahagi ng balkonahe. Ang mga bagay na ginagawa ninyong dalawa kapag rest day at gusto ninyo lamang makasama ang isa’t isa. Mga couple shirt na isinusuot kapag may pagdiriwang kasama ang mga kaibigan at kapamilya upang ipakita ang wagas na pagmamahalan ninyong dalawa. Higit sa lahat, ang mga larawan, mga larawan ng ‘di malilimutang karanasan ninyong dalawa, mga larawan ninyo tuwing nagdiriwang kayo ng inyong monthsary, mga larawan ng ilang Paskong magkasama kayo, ng ilang kaarawan, ng mga halik, ng mga yakap, ng mga ngiting wagas na para sa isa’t isa, mga larawan ng masayang kayo. Isa sa nagpapahirap sa paglimot ay ang mga larawan ng inyong mga alaala.

Ngunit minsan ang mga larawang ito ang magbibigay sa’yo ng pag-asa na baka mayroon pa, na baka pwede pa, na buksan mo lang ang isipan mo sa ideyang baka mayroon pang ikalawang pagkakataon. Ito ang bumubuhay sa kaunting pag-asa sa puso mo na baka hanggang sa dulo kayo pa rin talaga ang para sa isa’t isa. Kalayaan mo pa ring piliin kung ano ang nais mong paniwalaan, ang gusto mong panghawakan.

Totoong nakadudurog ng pagkatao ang pagiging broken-hearted na parang literal na nahati ang puso mo at dala-dala palayo ng taong nang-iwan sa’yo ang kalahati nito. Naging kulang ka. May malaking bahagi ang nawala ngunit kailangan mong maging matapang. Kailangan mong maging malakas. Kailangan mong harapin ang katotohanang wala na sa’yo ang taong ilang taon mo ring iningatan, inalagaan at minahal. Mahirap ngunit kailangan mong matutunan sa sarili mo ang proseso ng paglayo at pagtungo sa panibagong mundo nang hindi siya kasama.

Ngunit paano kung hindi mo talaga kayang magpalaya? Paano kung hindi mo talaga kayang lumayo? Paano kung nananatili pa rin siya sa puso mo? At ang bawat alaala ninyong dalawa ay buhay sa alaala mo. Ano ang gagawin mo? Mananatili ka lang bang naghihintay? Umaaasa? Hanggang sa malunod sa kalungkutan at pagkabigo?

Madaling sabihing mag-move-on ka na, hayaan mo na siya. Pero paano kung ikaw mismo ang nakararamdam ng sakit, at nadudurog ka araw-araw dahil sa kirot ng sugat na hindi naman nakikita ng mata? Handa ka ba talagang magpalaya? Sa totoo lang, puro tanong lang din ang naiiwan sa taong naghihintay. Hanggang kailan? Kakapit ka pa rin ba kahit bumitaw na siya?

Sa huli, paniniwalain mo na lang ang sarili mo na kakayanin mo. Kakayanin kong mabuhay ng wala ka. Kakayanin kong lagpasan ang isang araw at ang mga araw ng wala ka. Ngunit hindi madali ang lahat. Kailangan mo munang patibayin ang puso para sa pagbibitaw mo ng matapang na desisyon.

Ang pagmamahal ay pagpapalaya. Ang hayaan siyang lumipad papalayo saýo ang pinakamasakit ngunit pinakamatapang mong desisyon. Kung pagmamahal ang pagtanaw saýo mula sa malayo, tatanawin kita nang buong-pagmamahal. Tatanawin ko ang iyong paglago. Mahirap man bumitaw sa alaala ng masayang kayo, pangangailangan ito. Pangangailangan upang kapwa kayo lumago. Pangangailangan upang muling maging buo at matutong magmahal sa pangalawang pagkakataon.

Masarap ang pakiramdam ng nagmamahal at minamahal. Ngunit sa huli, kung hindi talaga kayo ang para sa isa’t isa, kailangang matutunan ang paglayo at pagpapalaya. Sapagkat ang nagmamahal ay hindi makasarili. Ang nagmamahal ay nagpapalaya.

-Fin

Comments
* The email will not be published on the website.
I BUILT MY SITE FOR FREE USING