Sariling Bersyon.
1-3 Months: Napakalupit. Yung kilig na totoo. Yung pananabik na hindi kinauumay. Yung ngiting wagas. Yung ang sarap magmahal. Yung ang gaan sa pakiramdam. Pero men, walang duda, masarap talagang magmahal.
4-6 Months: Nagiging komportable na kayo. Ginagawa ang mga bagay na sa tingin makapagpapatibay ng relasyon, makapagpapalago ng tiwala sa isa't isa, makapagpapaligaya sa isa't isa. Binubuo ang mga pangarap na gusto niyo'y sakop kayong dalawa. Iba men, malakas talaga manlinlang ang pag-ibig.
7-12 Months: Habang tumatagal, lalong sumasarap. Totoo ito. Marami na kasi kayong napatutunayan sa isa't isa. Pinatutunayan niyo rin sa ibang tao ang relasyon niyo. Isang taon, sobrang daming kwento ang binuo niyo. Mga kwentong malungkot at masaya, pero kapwa kayo ang bida.
1.5 Year: Lumalago kayong pareho. Kabisado na ang isa't isa. Pangangailangang unawain ang pagkukulang ng isa't isa. Hindi naman na kayo pabata, palago kayong pareho. Kinakailangan niyo ng suporta ng isa't isa. Para sa kinabukasan niyo ang lahat ng sakripisyo.
2 Years: Dumadami ang problema. Dumadami ang hindi pagkakaunawaan. Ngunit nakasandig pa rin kayo sa isa't isa. Iniisip na kailangang maging matatag dahil ginugusto niyong panghawakan yung hanggang dulo kayong dalawa. Lalo niyong pinatatatag ang tiwala sa isa't isa. Hindi kayo pwedeng lumimot sa sumpaan. Hindi niyo pwedeng talikuran ang pinanghahawakan niyo.
2.5 Years: Matatag pa rin. Kasi nakasandig pa rin kayo sa pangako. Parehas pa rin kayong kumakapit. Sabik pa rin kayong gawin ang mga pangarap na binuo niyong dalawa. Marami pa rin kayong bagong bagay at pangyayaring pinagsasaluhan. Pinalalago niyo pa rin ang inyong relasyon. Tinutulungan niyo pa ring lumago ang isa't isa.
3 Years: Ang tatlong taon ay tatlong taon. Pero men, tatlong taon na iyon. Ang sarap nang panghawakan na, mga ulol nakatatlong kami. Napakatagtag namin. Buo na sa isip niyo ang mga pangako ng walang hanggan. Handa na kayong tanggapin ang isa't isa panghabambuhay. Ngunit dumadami ang pagsubok. Dumadalas ang pagluha. Naiipon ang hinanakit. Hindi nagagamot ang sugat. Nababaon ang tampo at galit. Nagbabawasan ang tiwala.
3.3 Years: Hindi na nagamot ang duda. Tumingin na sa iba. Hindi na naalagaan. Hindi na ipinaglabanan. Nagkanya-kanya ng landas. Piniling mahalin ang sarili. Humantong sa dulo ng kwento. Namaalam. Sa sulok ng utak, naniniwala sa tadhana. Naniwalang panahon na para lumago sa kanya-kanyang paa. Ayaw nang madurog sa kamay ng isa't isa. Nagpalaya na.
*Hahahahahahahahahahahaha ang sakit pa pala. Ang galing. Punyeta.