Walang Pamagat
Ilang tula ang hindi ko
Matapos-tapos
Bigyan ng tugma
Dahil nananatili
Ang takot
Na baka dulot
Nito'y luha...
Ngunit
Mahal,
Nais kong sumulat
Ng tula na hindi
Na tungkol sa'yo.
Nais kong magsimula
Sa kung ano ang
Mayroon ako,
Na maaaring ako lang din
Ang nakauunawa.
Nais kong lumaya
Sa anino ng takot
Na baka makailang ulit
Na hindi na naman
Ako ang piliin.
Na baka ako na naman
Ang maiwan.
Na baka ako ulit
Ang maging talunan
Sa laban
Na sinukuan mo
Kaya nilimot ako.
Mahal,
Nais kong sumulat
Ng tula na hindi na
Tungkol sa'yo.
Nais kong magbigay ng tugma,
Magbilang ng pantig
Na sasapat sa paglalarawan
Ng tunay na kahulugan
Ng pag-ibig.
Mahal,
Nais kong bigyang-kahulugan
Ang pag-ibig
Na labas sa takot
Na baka kaugnay nito'y sakit.
Nais kong
Lumikha ng awit
Ng pagmamahal
Na magpapaalaalang
Ang umiibig ay
Hindi naghihintay na
Ibigin pabalik.
At ang nagsasakripisyo
Ay di nag-aabang
Ng kabayaran.
Nais kong
Kumatha ng
Ilang magagarang pinta
Na siyang magdidikta
Sa panibagong kuwentong
Maaari buuin ko
Nang mag-isa.
Oo, mag-isa.
Nais kong
Bigyang-katuturan
Ang pag-iisa
Na hindi dahil
Mag-isa ka,
Mahina ka.
Mahal,
Nais kong sumulat ng tula
Na hindi na tungkol sa'yo.
Pakiusap, palayain mo na ako.
-Fin