20 Jun
20Jun


Matagal-tagal na rin akong hindi nakapagsusulat. Hindi ko alam. Nasobrahan na ata ang pagiging aligaga ko. Career kung career. Pero beshy, wala pa rin akong nakikita sa lahat ng kita ko, pero kapit pa rin, masyado pang maaga para sumuko. Nasira yung laptop ko beshy, kung kailan may freelance writing opportunity ako, nakanamput, kinamalas-malasang babae sa mundo. Hindi, hindi ako malas, sinusubok lang. Ano na nga ba ang nangyari? Nang huli akong magsulat, malungkot ako e, I guess, doon ako magaling, ang magsulat kapag malungkot, kapag nalulungkot lang. Pero hindi na ako malungkot ngayon. Nasa proseso ako ng paghahanap sa sarili. Though hindi ko makita ang logic ng paghahanap sa sarili. Dahil kung ang paghahanap mo sa sarili ay katumbas ng paghahanap mo ng iyong purpose sa buhay, hindi mo talaga makikita iyon. Dahil di ba, kapag may namamatay nga, sinasabi nilang “You’ve done your purpose in life.”, edi tapos na, patay na e. Kaya ayoko munang makita ang purpose ko sa ngayon, beshy, ayoko pang mamatay. Pero hindi na ako malungkot, hindi ko lang din sigurado kung masaya ba ako sa pinaggagawa ko sa buhay. Pasasaan ba’t makikita ko rin talaga kung ano-ano ang mga bagay na tunay (genuine) na makapagpapasaya sa akin. Sa ngayon, gusto ko munang mag-enjoy nang mag-isa. Puwede ba iyon? Ako, personally, I enjoy my own company, mas malaya ako at wala akong kailangang kausapin, pero kapag nasa over-crowded na akong lugar, o di kaya naman lugar na punong-puno ng mga couple, hindi ko maiwasang magtanong (hindi ko sure kung nalulungkot ba ako), ito ba ang purpose ko? Dito na ba akong hahantong? Honestly, natatakot akong tumandang dalaga. Kasi ibig sabihin nun, tatanda akong mag-isa. Hindi naman sa ayaw kong maging mag-isa sa pagtanda pero nakalulungkot lang iyong ideya na tatanda ka at mamamayapa nang hindi mo naranasang maalagaan at magkaroon ng isang masayang pamilya. Sabi ko noong bata pa ako, ang ultimate dream ko ay simple lang, ang magkaroon ng isang buong pamilya. At iyon talaga ang gusto ko. Hindi naman ako nagmamadali, pero siyempre, iba pa rin talaga iyong sigurado kang may darating. Ang kaso, lahat ng bagay sa panahon ngayon ay wala namang kasiguraduhan di ba?

May nagtanong sa akin, “Hindi ka ba natatakot masaktan ulit?” Tinanong ko siya, “Hindi ka ba natatakot na walang magmahal sa iyo?” Kasi naniniwala naman ako na kung talagang magmamahal ka, ihahanda mo ang sarili mong masaktan. Iyon ay dalawang bagay na hindi maaaring paghiwalayin, kaya kailangan mo na lamang yakapin nang sabay. Ang mahirap lang kasi sa mga taong “nag-iisip”, pinunó na nila ang utak nila ng mga kaisipang makamundo lang. Makamundo, paimbabaw, basic, neccessary, oo, ito ay mga importanteng bagay para mabuhay, pero paano mo pa maisisingit ang kakanyahan mong magmahal (dumamȃ) kung sarado na ang isip at puso mo sa mga makamundong bagay na ito? Halimbawa, trabaho, ang isang babae ay hindi (ayon sa lipunan) ideal na magtrabaho, dapat sa kanila’y nasa tahanan lang at nag-aalaga ng kanilang mag-anak, kaya nga ang ilang kababaihan noon ay hindi na pinag-aaral sa kolehiyo dahil inaasahan din naman ng pamilya nito na mag-aasawa lamang ito at lalagi lamang sa bahay upang alagaan ang mga anak. Ngunit sa panahon natin ngayon, na kunwari pinaninindigan natin ang “gender equality” o pantay ng pagtingin, unti-unti nang umaangat sa industriya ang kababaihan. Na sa katotohanan ang pag-angat na ito ay mayroon ding disadbentahe para sa atin. Parang iyong irony ng lumalaking utak kasabay ng pagliit ng puso. Sa kagustuhan natin (babae) na mapantayan ang mga lalaki, ginagawa na natin ang mga bagay na hindi naman talaga natin nakasanayang gawin, at ito’y kalabisan. Sasabihin nating hindi natin kailangang i-please ang lahat pero nagpapakulong pa rin tayo sa standard ng pagiging “maangas, malakas, at astig”? Maling-mali, beshy. Hindi ikinataas ng pagkababae mo ang pagiging “liberated”, at hindi rin naman ikabababa nito ang iyong pagiging “old-fashioned”. Pero beshy, umiinog ang mundo, kailangan mo ring mag-evolve, baka kasi isipin mong okay lang pala kahit arborin mo ang saya ng lolo mo, wag naman ganoon. Pero realtalk, girls, tayo lang din talaga ang nagseset ng sarili nating standard sa kung paano tayo dapat kumilos, wag tayong magpakulong sa standard ng iba, dahil kung ganoon man, malayong-malayo pa tayo sa “equality” na ipinaglalabanan natin. Though wala naman kasi talaga ganoon.

Sobrang random ng thoughts ko, sinusubukan ko kasing magsulat ng kuwento, pero nahihirapan ako sa pagpili ng paksa. May hangover pa rin ata akong sa journal article na ginawa ko sa mga subject ko sa MA. Sinubukan ko ring magsulat ng mala-wattpad ang datingin pero nakornihan ako. Pakiramdam ko kasi tinatraydor ko ang mga guro ko sa Sintang Paaralan kapag ganoon ang naisulat ko. Though hindi naman dapat mababa ang tingin natin sa kung anumang tangkang pagsusulat. Lahat ng pagsulat ay nananatiling sining, at walang nakababang sining sa kapuwa nito sining, tandaan yan beshy ha? Parang ito, yung “beshy” thingy ko, parang gago di ba? Pero wala lang, gusto ko lang ng something na magaan isulat, iyong may ideya pero para pa rin sa burgis na masa (char!), though hindi ko naman kasi sigurado kung mayroon bang nagbabasa, pero wala lang, iniipon ko rin kasi ito para sa sarili ko. Pero naiinis ako, kasi nga nasira yung laptop ko, halos lahat ng random writings (lakas maka-writer ang peg) ko nandun, naiiyak ako. Ugali ko na kasi kapag nasa bahay at mayroon akong kahit katiting na ideya, bubuksan ko ang laptop at magsusulat kahit na dalawang paragraph lang yan. Minsan naman sa phone kapag mga malulupit na bars lang. Tapos kapag may time na ulit ako, ipagpapatuloy ko na yung isinusulat ko, o di kaya naman babasahin ko yung mga luma kong isinulat tapos ayun, naa-amaze lang din ako dahil hindi ko talaga naisip na may potensiyal din pala ako (medyo mayabang).  Pero nalulungkot din ako kasi hindi ko mapursigi ang sarili ko sa pagsulat, kasi maraming mas angat na writer wannabe. Hindi naman sa natatakot akong makritik, pero natatakot kasi akong panghawakan ang mga expectation ng tao tapos hindi ko naman maachieve, hassle, baka mabaliw ako sa dagdag na pressure. Kaya ineenjoy ko lang talaga ang pagsusulat ng mga thingy (naknang burgis) ko.

Tapos iyon, may guwapong dumating shit, sakto lang pala, young acad writer. Hindi naman sa nagpapaka-desperada peg ako. Pero siyempre, may mga pagkakataon din na lumilinga-linga tayo kasi baka dumaan na pala si forever pero nagpapakaemo kang nakayuko habang naglalakad di ba? Kaya kailangan attentive din talaga tayo minsan. So far, wala pa naman akong natitipuhan (putragis, choosy e), pero hell yes! Choosy ako siyempre, hindi ako maarte, pero choosy ako. My standards are non-negotiable, bes. Why settle for less di ba? Oo, sabi natin “love is blind”, totoo naman, naranasan ko nang magmahal ng hindi tumitingin sa pisikal na anyo (lobo o bampira? Hangover sa La Luna Sangre). Pero no joke, dati ayaw ko sa guwapo, kasi parang imposible namang magkagusto sa akin ang isang guwapo dahil aminado akong kabaliktaran ako ng flawless (flawful bes). Then one time, may nag-confess sakin, may itsura (lahat naman talaga may itsura, hindi lang uso yung iba), my best friend. And then I realized, “girl, hindi ka pangit!” Pero ex ko na siya. Bumalik siya doon sa dating standard niya ng mga chikas bebe powerpuff, at alam kong hindi ako ganoon. Pero naisip ko, hindi rin pala sapat na may itsura lang ang partner mo. Oo, naranasan ko na pagtinginan kami kasi nga guwapo siya tapos ako mabait lang (medyo maganda rin naman), ayaw pa nga sa kaniyang ng mama ko e, kasi mukhang babaero. Naalala ko pa sabi ni mama “Hindi ka ba nahihiya sa itsura mo?” My gawd beshy, hindi ko alam kung maiiyak ako o matatawa dahil ang sama ng ugali ng nanay ko sa akin. Pero hindi naman iyon ang mahalaga, ang pinakamahalaga sa lahat ay ang pinaramdam niyang pagmamahal (naknam). Pero seryoso, alam ko at alam niyang minahal namin ang isa’t isa nang wagas (totoo), hindi nga lang panghabambuhay. Kaya ayun, sa ngayon, hindi naman sa naghahanap ako pero tumitingin lang din ng mga prospect. Lol. Feeling kasi niya kaya wala pa akong boyfriend ay dahil hindi pa ako nakamove-on sa kaniya, bwisit siya. Alam ko sa sarili ko na I’m over him, it’s just that wala pa lang talaga dumadating na bago at sigurado. My gawd! 24 na ko beshy, hindi puwedeng nakikipagpatintero lang ako sa pag-ibig na kapag nahagip ako ay talo, tapos lalaban ulit. Hanggat maaari, kung may darating man, gusto ko siya na yung last. Nakapapagod kaya.

Since high school, I’ve been with 5 different guys (hindi sabay-sabay, beshy, hindi ako haliparot) P.s. I’m talking about guys I’ve been dating with physical contact (e.g. holding hands, kissing), hindi kasama iyong mga boyfriend sa Gm. Lol.

3rd year high school, very weird iyon. Nakatatakot. 3 months ata kami, kadiri. Medyo natrauma ako kasi ang weird niya talaga, hindi ko rin alam kung bakit ko sinagot iyon, nag-aadik ata ako nung high school e. Hindi ko talaga siya binibilang as boyfriend ko pero since “guys with physical contact” (I know, medyo disturbing ang term, kinikilabutan din ako pero wag nang magpakainosente, but reminder I’m referring to holding hands and kissing only as mentioned above), iyon na nga, isinama ko na si weird guy. Then, right after break up, sinagot ko naman iyong guy na type ko talaga (medyo maharot sa part na ‘to), we’re together for one and a half year. Tapos nag-college na, magkaiba kami ng school, kaya nawalan kami ng contact sa isa’t isa. Pero seryoso naman ako sa kaniya, ilang beses ko rin yang iniyakan, sa pagkakatanda ko. Well, seryoso naman ako sa lahat ng nagiging karelasyon ko. Then college, August pa lang may boyfriend na ulit ako (maharot talaga), I guess, part ng rebellion ko ito dahil sa sobrang higpit ng parents ko. Nagtagal din kami, 1.5 year din. Seryoso rin kami, mas matanda siya sakin ng 4 years pero naging classmate ko siya, tapos huminto siya dahil kailangan nang mag-work. Binigyan pa nga ako ng singsing niyan nung 17th birthday ko, akala ko siya na talaga. Pero nakipag-break siya sakin, kasi nahihirapan na siya, marami siyang dapat isipin at hindi ako ang priority niya (iyak na naman si mamshie). Then couple of months, nagkaroon na naman ako ng boyfriend, ito yung kapag dini-describe ko sa mga kaibigan ko ay “traumatic one”. Kasi naman friend, natrauma talaga ako rito. Member siya ng isang kilalang fraternity. Ewan ko ba kung anong pumasok sa isip ko bakit ko siya sinagot. 3rd year college na ata ako nun. On and off kami nito kasi parang wala siyang pakialam sakin, pero binabalikan ko pa rin naman kasi mahal ko ata, o baka ginayuma ako kasi hindi naman siya talaga guwapo, pero athlete e. Binigyan niya rin ako ng singsing nun e, 1-month pa lang ata kami, kaya kala ko talaga seryoso siya. 1.2 year din kami kung isasama iyong mga buwan na nagpapagago pa rin ako sa kaniya kahit wala naman kaming label. Ewan ko ba talaga. Hanggang ngayon takot pa rin ako sa kaniya. Swear. Then, nagpahinga ako, kasi dahil kay traumatic one natakot na akong umibig (drama, pero hindi ako napapagod), several months, ito na nga umariba si espren turned boyfriend. Graduating na kami nung sinagot ko siya. We’re so happy. It was perfect. It lasted for 3 years and 3 months. Akala ko talaga iyon na. Sa kasalukuyan, mag-iisang taon na rin akong single. Kasi nadagdagan yung trauma ko mula kay traumatic one plus yung kay espren turned boyrfiend. Kaya hindi rin alam ng marami kung bakit nahihirapan akong magmove-on. Akala kasi nila madali lang. Hindi naman ako maharot or what, siguro fragile or vulnerable ako, basta weak ako sa mga ganiyan. Madali akong mahulog kapag I find comfort kasi nga hindi naman ako sanay na kino-comfort ng iba. Iyon ay nung bata pa ako ah, pero ngayon sa tingin ko naman nagmature na ako kahit papaano. Dahil siguro matagal-tagal din naman kami ni espren turned boyfriend e, kaya sobrang daming kong realizations. Hindi ko kasi maexplain in words kung paano ako nadurog dahil sa kaniya noon. Pero I can say, it’s the worst feeling ever. Iyong parang mag-isa ka kasi kahit best friend mo inayawan ka. Iyon, iyon ang right term, feeling ko kaayaw-ayaw ako. Kasi kaya kong sabihin na ginawa ko ang lahat pero hindi talaga sila nakokontento e. Siguro hindi lang talaga ako ipinanganak para maging priority ng ibang tao, and it hurts me more. Hindi na lang iyong heart break na ibinigay sakin ni espren ang nagpapaiyak, kundi yung mas mabigat na ideyang walang gustong manatili (*tears). Imagine, tatlong guy ang nagbigay sa akin ng singsing, pero nganga pa rin. Hindi ako napapagod maghanap ng mga kamahal-mahal na tao pero napapagod na ko magtiwala.

Sa ngayon, okay naman ako, naghahanap ako ng motivation para sa pag-grow, my pamilee first, tapos sarili kong growth. Hindi para maghiganti o magyabang sa mga taong nang-iwan, kundi para mahalin ko rin ang sarili ko gaya ng pagmamahal ko sa ibang tao. Pero beshy, realtalk ulit, ang pagmamahal ang pinakamasarap na pakiramdam ever. Kahit sa family, kay God, sa friends, partner, pet, workmates, basta kung nagmamahal ka, at marunong kang magmahal, maswerte ka beshy.

Lovelovelove,

Tinay

Comments
* The email will not be published on the website.
I BUILT MY SITE FOR FREE USING