04 Jul
04Jul

Nakatutuwa, mayroon akong plano para sa darating pang dalawang taon. Mga planong kasabay ng mga binubuo kong pangarap para sa aking sarili. Ngunit kaya ko bang magpatali na lamang sa mga planong ito?

Come what may. Hala, sige, bahala na kung anoman ang mangyayari. Basta masaya, ayos na. Pwede ba iyon? Kasabay ng dalawang taon ng pagpapaplano ay dalawang taong dagdag din sa edad ko, hindi na ako bumabata, kakayanin kaya ng plano ko ang kasabay nitong pabigat nang pabigat na responsibilidad?

Sabi ko mag-iipon ako, sabi ko tatapusin ko muna ang pag-aaral ko ng MA, sabi ko maghahanap ako ng part-time teaching job para idagdag sa ipon ko, sabi ko magpapaayos ako ng ngipin, sabi ko mag-iinvest ako para sa bahay, marami akong sinasabi na hindi ko alam kung may posibilidad bang mangyari.

Anything is possible. Kaya naman siguro, pero kailangan mo rin ng matinding commitment sa plano mo. Dahil kung ikaw mismo ay hindi naniniwalang magagawa mo, tiyak wala talagang patutunguhan ang mga balak mo sa buhay.

Pero sa tingin ko, kaya ko naman. Basta isipin ko lang palagi kung ano ba talaga ang gusto ko. At dapat ginagawa ko ang lahat ng ito para sa akin.

Tama, gagawin ko ang lahat ng ito para sa sarili kong kaligayahan. Para matupad ko ang mga pangarap ko sa buhay. Para magawa ko ang mga bagay na talagang gusto kong gawin. Ngunit, paano kung maapektuhan ang relasyon ko sa ibang mga tao? Sa aking mga kaibigan?

Kailangan magsakripisyo, oo, kakailanganin mo. Dahil kasabay ng dalawang taon mong plano at dalawang taong dagdag sa edad mo ay ang pagbabago ng priorities mo. Oo, mababago ang lahat. Sa huli, wala kang pwedeng piliin dahil maiisip mo rin na hindi naman pala talaga mahalaga ang isa.

Pagkalipas ng dalawang taon, 26 y-o ka na noon, magiging masaya ka kaya?

‘Wag magsalita nang tapos. Walang nakaaalam ng posibleng mangyari sa hinaharap. Ngunit ang pinakamahalagang bagay ay ligaya at tuwa na naipon mo sa mga magdadaang taon ng pakikibaka sa buhay. Maaaring mahirapan ka nang husto ngunit mahalaga na mayroon kang matutunan sa bawat pagkakamali mo. May mga pagkakataon na baka maisipan mong sumuko ngunit mas mahalaga ang iyong pagbangon.

Hindi ka ipinanganak para maging mahina.

Ngunit hindi ka rin ipinanganak na malakas.

Kaya kailangan mo munang maging malakas. At ang panahon ang magpapalakas sa iyo. Maniwala ka lang at tiyak makakaya mo.

Goodluck, sa darating na dalawang taon.


-Fin, 04.24.17

Comments
* The email will not be published on the website.
I BUILT MY SITE FOR FREE USING