“MISTERYO SA PAGITAN NG MGA ORAS NA ALAS DOS AT ALAS TRES”
Ni Kristine Mae N. Cabales
AB Filipinolohiya 3-1D
“Nanginginig na ang buo kong katawan. Kinakapos na ako ng hininga. Nanlalabo na rin ang aking mata. Ni sa hinagap ay hindi ko inakalang mangyayari sa akin ang ganito katinding trahedya. Wala nang buhay ang mga katabi ko. Duguan ang kamay ko pero alam ko sa sarili ko na buhay pa ako. Nais kong maluha, nais kong lunurin ang sarili sa bumabahang sariling luha. Pagod na pagod na ako. Ang tanging gusto ko na lamang ay takasan na ng hininga”.
Napapikit mata pa ako nang maramdaman ang sakit nang pagkakahulog sa aking higaan. Ngunit imbis na umiyak ay nagalak pa ako nang malamang nananaginip lang ako. “Salamat”, ang tanging nasabi ko.
Mag-aalas tres pa lang ng madaling araw. Saktong alas dos kwarenta y singko, ang pagitan ng mga oras na ito ang labis na kinatatakutan ko. Oo, takot ako, takot na takot na mas pipiliin ko na lamang maihi sa salawal kaysa lumabas pa ng bahay para makapag-banyo kahit na ihing-ihi na ako.
Oo, nasa labas ang banyo namin. Paulit-ulit ko ngang tinatanong si Inay kung bakit naisip nilang sa labas ng aming bahay magpalagay ng banyo. Tinatanong ko ito sa kanya sa umaga tuwing nagigising ako sa pagitan ng mga oras na alas dos at alas tres. Marahil dahil sa sobrang takot, pati si Inay ay kinagagalitan ko na.
Hindi ko na maalala kung kailan at saan nagsimula ang takot kong ito. Hindi ko rin matandaan kung sinong kaibigan o kakilala man ang napulutan ko ng ideyang ito. Ang tanging alam ko takot ako sa pagitan ng mga oras na alas dos at alas tres.
Naalaala ko pa, nang unang beses akong nagising sa pagitan ng mga oras na itong kinatatakutan ko ay bigla na lang akong pumalahaw ng pag-iyak hanggang sa nabulahaw ko narin pati ang mga kapit-bahay. Naiskandalo pa tuloy si Inay at napagalitan din ako, sukat ko ba naman daw gisingin ang buong barangay sa iyak ko.
Demonyo. Demonyo ang tanging nakikita ko sa tuwing magigising ako sa pagitan ng mga oras na ito. Tumatawa siya. Tila ba nais akong kunin at isama sa palasyo niyang mala-pugon sa init. Maraming siyang sinasabi sa akin na hindi ko lubos maunawaan. Magkagayunman, hindi ko rin mapigil ang sarili ko sa pakikinig sa kanya. Kahit halos bumaon na ang mga kamay ko sa butas ng aking tainga, nandiyan parin siya, naririnig ko parin siya.
Tila nagdadasal nang walang kasiguraduhan. Tila nangungumbinsi pero hindi ko maunawaan. Ang totoo, ang mga pangyayaring dinaranas ko sa pagitan ng mga oras na alas dos at alas tres ay isang kababalaghan.
Kahit anong pilit ko sa aking sarili na matulog nang mahimbing ay tila nagkukusa na ang aking mata sa pagmulat sa tuwing sasapit ang mga oras na ito. Hindi ko talaga maapuhap ang kasagutan. Litong-lito ako. Hanggang sa huli ay mapapaiyak na ako. Hanggang sa maiskandalo na naman si Inay sa palahaw ko.
Pero kaiba ang pangyayari ngayon, sa pagitan ng mga oras na alas dos at alas tres. Totoong kakaiba. Hindi ko maipaliwanag ang aking nararamdaman. Hindi ko mahugot ang mga salitang dapat sabihin sa madaling araw na ito. Hindi ko talaga alam. Hindi ko narin halos maramdaman ang aking sarili sa sobrang gaan nang pakiramdam ko. Tila ako lumulutang. Lumulutang man o lumulubog wala akong pakialam. Ang tanging alam ko ay masarap sa pakiramdam, maging ito man ay bawal, maging ito man ay masama.
Tuluyan ko na ngang isinuko ang aking sarili. Hindi na tinatanggap ang aking mga pag-aalinlangan. Isusuko ko na ang lahat. Sa lalaking noong una’y nagdudulot sa akin nang di’ masukat na katatakutan.
Ibibigay ko na. Hahayaan ko na lang siyang magmanipula. Wala nang luha ang lumabas sa bukana ng aking mga mata. Marahil ang totoo ay tanggap ko na. Marahil hindi talaga ako para sa Kanya. Para ako sa lalaking ito na nakatayo sa aking harapan at nagdarasal ng hindi ko maintindihan.
Ako daw ang napili, ito ang sabi niya. Sa likod ng mga pangitain ay natatago ang aking kapalaran. Hindi raw kailanman ako mamamatay, bagkus ako ang papatay. Hindi na kailanman ako kagagalitan ni Inay, dahil siya mismo ay luluhod sa akin. Ako, ako ang batang mapalad na napili, ipinganak sa pagitan ng mga oras na alas dos at alas tres. Ako na nga at malugod ko ito tinatanggap.
Kukunin na niya ako. Aalis na daw kami dahil mahigpit niyang kailangan ang aking serbisyo. Ngunit sa gilid ng aking mga mata, natanaw ko si Inay. Patakbong lumalapit sa akin. Hinihingi niya ang aking kamay na unti-unti nang umaangat o lumulubog man hindi ko alam. Si Inay, ang butihin kong Inay na naiiskandalo sa tuwing pumapalahaw ako ng iyak sa pagitan ng mga oras na ito. Ang butihin kong Inay na nakauunawa. Si Inay na kailanman hindi ako pinabayaan sa tuwing hahabulin ako ng mga pangitaing nagpapakita pala ng aking kapalaran. Nalilito ako. Kanino ako sasama?
Muli, napaluha ako. Hanggang sa ang luha ay naging iyak. Hanggang sa muli ako’y pumalahaw. Hanggang sa mawala ang magaang pakiramdam na kanina ay lasap ko pa. Hanggang sa matagpuan ko ang aking sarili sa piling ni Inay. Hinahaplos ang aking buhok ng malalambot niyang mga kamay. Ang kaninang kaginhawaan ng pakiramdam ay naging misteryo na lamang. Hindi ko alam ang totoong nangyari. Ngunit panatag ako dahil kapiling ko si Inay.
Nakangiti si Inay. Alam ko nauunawaan niya ang nangyayari. Alam ko na hindi niya ako pababayaan, gaya nang ginawa ng Lola sa kanya nang kaharapin niya noon ang lalaking iyon, sa pagitan ng mga oras na alas dos at alas tres.