17 Jan
17Jan

Natagpuan kita sa pinaka hindi ko inaasahang espasyo at pagkakataon. Disyembre. Malamig. Balisa. Malapit sa rupok at tukso, doon, natagpuan kita. 

Ngunit bago sa akin ang lahat. Marami kang inialok sa akin na hindi ko nakasanay. Kaya't bukod sa mga tanong, duda lamang ang laging bumubungad sa akin. Masyado akong nasanay sa mga taong hindi sigurado sa pananatili, kaya't higit na pagkalito ang inihain ng kasiguraduhan mo. 

Paano ka nga ba naging sigurado?

Sa kabila ng lahat ng duda sa aking pagkatao, paano mo nasigurado ang nararamdaman mo? 

Ngunit, Mahal, natagpuan pa rin kita. Natagpuan kahit hindi hinahanap. Ibinigay kahit hindi hinihingi. At marami akong takot na baka hindi pala ako maging handa sa pagdating mo. Na hindi pa pala sapat ang paghihintay ko. 

Oo, naghintay ako. Matagal-tagal. 'Yong tipo nang paghihintay na hindi na rin umaasa na may darating.

Sa totoo lang, mas naghahanda ako sa pag-iisa. Nang hindi ko na kailangan ng pag-alalay ng iba. Mas handa akong maging buo nang wala kasama. Hanggang sa dumating ka, at muli akong malito. Ngunit, ito ang pagkalito na laging gugustuhin ko. Pagkalito na inalok ako ng siguradong pagsugal. 

Hindi ako marunong magsugal ngunit sa pagdating mo, mukhang naging handa ako sa anomang uri ng pagtaya. Ngunit may mga takot pa rin ako. Mga takot na hindi ko tiyak kung kaya bang pahupain ng pag-ibig. 

At ngayon pa lang, Mahal, patawarin mo ako. 

Comments
* The email will not be published on the website.
I BUILT MY SITE FOR FREE USING