Sa tuwing susulat ako ng tula, Walang Pamagat ang nasa isip ko. Hindi ko alam, marahil hindi ko kilala ang damdaming namamayani sa tuwing susulat ako. Nakalulungkot man pero hindi ko ata kilala ang sarili ko. Sa tuwing susulat ako, huhugot ako ng malalim na buntong-hininga. Kukuha ako ng enerhiya upang mapakawalan pang muli ang mga ideyang naglalaro sa utak ko. Oo, kalimitan patungkol sa’yo, kung paano mo ako minahal at pinagpalit sa dulo.
Sabi ng iba, magsulat lang daw ako nang magsulat. Hanggat may materyal pa akong pinaghuhugutan. Hanggat kaya ko pang laruin ang mga salita. Hanggat sariwa pa raw ang sugat. Sanayin ko lang daw ang sarili ko sakit, pasasaan ba’t gagaling din ang sugat ko. Ngunit bakit sa tuwing susulat ako, tila lalong lumalalim ito, na para bang lalo ko lang ibinabaon ang sarili ko sa alaalang inilibing mo. At sa huli, ako ang naiwan sa hukay at unti-unting namatay.
Magulo. Hanggang ngayon nananatiling palaisipan sa akin kung ano ba talaga ang nangyari sa atin, kaya maski mga tula ko ay wala ring pamagat dahil hindi ko alam kung ano ba ang pamagat sa kuwento nating hindi na nadugtungan pa. Hindi ko rin alam kung ito ba ay palatandaan ng pag-asam na sana’y mayroon pang kasunod na kabanata. O ito ay pagbibigay ng tuldok sa kuwentong natapos na. O di kaya, baka naman ipinagwawalang-bahala ko lamang ang mga senyales na ito na nagpapakita pa rin pala ng pagnanais ko na makasama ka pa rin sa kabili ng lahat. Hindi kaya kumakapit pa ako? Ako ba ang may kasalanan kung bakit ako nasasaktan?
Palaisipan. Palaisipan sa akin ang mga tulang naisusulat ko. Hindi ko alam kung bakit at paano ito nabuo pero ito ay naglalarawan pa rin ng mga alaalang nananariwa sa tuwing maiisip kita. Masasaya at malulungkot. Pero sa huli, luha pa rin ang dulot sa akin ng mga huling alaala mo. Malaking tanong, lalo na noong sabihin mong walang nang tanong ang naiwan kundi ako na lang ang hindi lumilimot sa ilusyon ng kahapon. Hindi ko alam kung ano ba ang naging sikreto mo at madali kang nakalimot. Sana’y naibahagi mo sa akin bago ka umalis sa tabi ko.
Minsan, napapaisip din ako, naging masaya ka ba talaga sa desisyon mo? O ginusto mo lang din makalaya sa anino ko. Dahil kung masaya ka talaga sa bago mo, bakit nalalaman kong naghahanap ka pa rin ng iba. At sa puntong iyon, tatanungin ko ang sarili ko, ganitong klase ba talaga ng lalaki ang minahal ko? Pero mas madalas, pilit ka pa ring ipinagtatanggol ng mga alaala sa utak ko. Yaong masasaya, yaong ramdam kong tunay ang bawat pagsinta. Kaya lalo akong nalilito, pinagtatanggol ba kita sa isip ko dahil mahal kita, o dahil umaasa pa ako na babalik ka?
Ngunit habang sinusulat ko ito, isa lang ang naiisip ko, hindi na kita hahayaang makabalik pa. Dahil noong umalis ka, madami rin akong nalaman at natutunan, na mas masarap sa pakiramdam ang buong pagmamahal – na hindi ko naramdaman sa iyo. Oo, minahal mo ako nang totoo pero hindi buo, alam ko.
-FIN